Uumpisahan ko na ang aking kwento.
Noong mga bata pa tayo, isa sa mga pinaka-hihiligan nating bilhin bago magpasukan eh ang makukulay at bagong set ng krayola. Masaya ka na noon kung may walong kulay kang bibitbitin sa klase. At mas masaya pa lalo kung ang binili sayo eh iyng crayons na may 32 colors.
Kaso hindi ako nabuhay gaya ng iba na kada pasukan ay may bitbit na bagong set ng crayons. Masama loob ko noon at halos kada art class namin nung Nursery eh nahihiya akong ilabas ang crayons ko kasi hindi na nga kumpleto, putol-putol pa.
Natatandaan ko pa one time during art class. Ang activity namin eh guguhit kami ng rainbow. Imbis na sabik sa pagguhit ang aking naramdaman eh kinabahan ako dahil iilan lang ang crayons na dala ko. Madamot pa ang mga kaklase ko noon at hindi man lang ako pahiramin ng mga kulay na akma sa hinihingi ng isang mgandang rainbow. Kinulayan ko na lang iyon gamit ang pula, dilaw, asul at itim. Masama loob ko noon kasi kahit gaano kadiin ang pagkulay ko para ikatingkad ng bawat linya eh hindi man lang natuwa ang aking guro. Sabi pa sa akin, ''...saan ka naman nakakita ng itim na rainbow?''. Ito ang mga kataga at sakit na namutawi sa aking puso at isip simula ng araw na iyon. Sinabi ko din sa akin sarili na pagbubutihin ko ang aking pag-aaral para makabili ako ng madaming krayola.
Iyon ang kwento ng itim na krayola.